Mabuting Balita
“Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una’y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego.” Roma 1:16
Nahiwalay lahat ng tao sa Diyos bunga ng kasalanan. Dahil mas pinili ng tao na huwag kilalanin ang Diyos at sambahin Siya, nalulong ang tao sa maling kaisipan at ugali. Naging alipin siya ng kapangyarihan ng kasalanan. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi niya maiwasan na magkasala. Sari-sari rin na kabulukan sa kanyang buong pagkatao ang kanyang nararanasan. Imbis na ibigin ang Diyos at ang kanyang kapwa, hindi na niya ito magawa. Hindi na niya matupad ang orihinal na layunin ng Diyos para sa tao, na maging larawan ng Diyos sa mundo. Bagkus puro sarili na lang ang kanyang natatanging hangarin. Kung hindi siya ililigtas ng Diyos, haharap siya sa paghuhukom ng Diyos at parurusahan ng walang hanggang kamatayan. Ito ang dahilan kung bakit naparito si Jesus sa mundong ito, upang iligtas ang tao. Sa pamamagitan Niya, maaari mapatawad ang tao, mapalaya sa kapit ng kasalanan, magkaroon ng tunay na pagbabago, at makaranas ng buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos. Ito ang mabuting balita tungkol kay Jesus!